Feature (Essay)
Marika Grace M. Palasi
Nagkakabuholbuhol kaya Nagkagulo
Ang tubig ay hindi gasolina para sa kotse, ngunit para sa halaman, oo. Tao ang sumasakay; hindi ang kotse. Gagana ng matiwasay ang mga bagay-bagay kung ginagampanan nito ang tungkuling iniatang sa kanya mula pa ng siya’y nilikha. At alam nating lahat na ang lubusang nakakaalam kung para saan ang isang bagay ay ang siya mismong humubog. Nagkakabuholbuhol ang ating mga layunin kaya tayo nagkakagulo.
Nang nilikha ng Diyos ang mga hayop ay ipinarada niya ang mga ito kay Adan, upang makapili kung alin ang maaring maging katulong ni Adan sa gawain ng Diyos. Ngunit walang lapat na maging kawani ng lalaki. Kaya nilikha ang babae, si Eba, na kapantay ng lalaki.
Nilikha ang tao na kawangis ng Diyos upang maging kinatawan at manggagawa niya. Nilikha tayo para sa Kanya. Ngunit ngayon ay nabali-baliktad. Ang mga banghay na ito ay nawasak! Tama nga na “Ang Simula (Genesis)” ang kwento; ito’y naging simula ng mundo, simula ng tao, simula ng kasalanan, simula ng pagkakabuhol….
Hayop at tao mismo nagkakainan. Ang mga hayop ay hindi na sumusuko sa tao. Meron ng mga “under” at dumadami na rin ang mga suki ng “Women’s Desk”. Hindi mo na malaman kung sino nga ba ang nakaka-angat, tao ba o hayop? Babae ba o lalaki? Ang hangarin ng lalaki’t babae ay para na sa isa’t isa; hindi na sa Diyos. Tayong mga tao, imbis na mamuno sa mga nilikha, bagkus ay naging alipin ng ating mga sarili, ng mga kalam ng ating mga sikmura.
Itigil na ang pagdikta kung ano ang dapat! Dahil sa sarili natin ay wala tayong mapupulot sapagkat tayo mismo ay windang! Ngunit itong “Ang Simula (Genesis)” ay simula rin ng mga plano at mga pangako ng Diyos na hinding hindi mapapako.
Merong iisang tunay na Panginoon, makapangyarihan sa lahat ng namamalagi, mabuti man o masama. Ibalik sa Kanya ang dapat sa Kanya. Pumwesto ka kung saan ka itinarik at malalaman mong hindi buholbuhol, na patag at diretso lang ang daan. Malalaman mo pa kung ano ang layon ng iyong buhay. Ang layon ay Siya.
1 komento:
haha.. naalala ko pa to! :)))
Mag-post ng isang Komento